Maharlikang Balimbing : Ang Halimuyak ng Pinilakang Patimpalak sa Bayan ng Antipolo

Pinagpala ang bayan ng “Birheng Maria ng kapayapaan at mabuting paglalakbay” sa ating malaparaisong tanawin tulad ng Hinulugang Taktak; masasarap na pagkaing kagaya ng suman, kasoy at manga; at sa kinapipitagang kasaysayan at kulturang humubog sa hiyograpiya ng lugar. Alalong baga’t lubos din tayong piangpala sa taglay na kagandahang namumukadkad sa bawat diwatang Antipoleño, di ba?

Ang pagsisimula ng patimpalak sa Antipolo ay hudyat ng pagkubli ng bilog na buwan at pagsilip ng liwanag mula sa araw. Nagpalitaw ng matitingkad na hiyas at tala sa maningning na kalangitan. Nagpasabog ng nag-uumapaw na halimuyak mula sa mga nakaaakit na alindog ng mga bulaklak. Hinampas ng matinding puwersa ang tubig mula sa hinulugang taktak . Ipinasilip ang mga makukulay na ilaw mula sa kisame, sabay ang di magkamayaw na ingay ng mga taong sabik na sabik masulyapan ang kani-kanilang pambato.

Taunang nagsasakatuparan ang bawat distrito ng mga patimpalak alay para sa mga kababaihang Antipoleño. Puspusan ang paghahanda ng mga kawani ng lungsod upang ito’y maisagawa nang may kahusayan at pagtatagumpay.

 Sa lugar kung saan ginaganap ang ganitong uri ng simulain, mapagmagsdang hindi mahulugang karayom ang bilang ng mga manonood. Karamihan sa kanila ay mga kalalakihang uhaw sa kagandahan at anyo ng mga kandidata. Wari’y siyan sa sampung bahagdan ng mga manonood ay nagmistulang estatwa dahil sa pagkamangha sa mga ito.

Isang halimbawa ng ginaganap na ‘beauty contest’ sa ating bayan ay ang “Mutya ng Antipolo”. Sa paligsahang ito, bawat kandidata ay maikakailang mula ulo hanggang paa ay namumutawi ang kagandahan mula sa mga ito. Pansinin ding mabuti ang kanilang mala-agilang pagniningas ng kanilang alab sa talent at kakayahan, bagama’t sila’y dumadaan mula sa iba’t ibang proseso masungkit lamang ang inaasam na trono at korona.

Ang kagandahan ng mga mutya ng Antipolo ay maihahambing sa manamis-namis na lasa at halimuyak ng isang balimbing. Ito ay prutas na kinikilalang produkto ng ating bayan na mailalarawan bilang matingkad, kaakit-akit na kulay luntian nitong balat at animo’y biglang ihip ng hanging amihanupang ito’y mapahalagahan.

Gayunpaman, ang pagrespeto sa karapatanng mga kababaihan ay nakasaad pa rin sa manipesto o doktrina ng konstitusyon. Ang paglabag dito ay isa nang malaking punit sa papel ng taong lumalabag sa lipunan, partikular sa mga kababaihan. Sila’y produkto ng ating lungsod at sila’y kabahagi natin sa pag-unlad.

Nakamamanghang isipin na ang ating mata ay katuwang natin upang makita at mapahalagahan ang kumakalat na halimuyak ng mga kababaihan. Sa tulong ng mga kawani maiiwasang matuldukan ang ganitong uri ng patimpalak na pinagpala sa yumi at sa kagandahan. 

© Cheese Cake Buzz

Ang akdang ito ay mula sa malikhaing pagpapaalab ng isipan ni Joseph Icaonapo. Nakamit niya ang Unang Puwesto sa Pagsulat ng Tanging Lathalain Antas Sekondarya sa ginanap na DSPC 2016-2017 DepEd Antipolo. 

Standard